Sunday, November 13, 2011

“Unang Karanasan”



Tumalon, tumakbo, sumigaw, at maglaro. Dagundong na iyak sa lobong napakawalan, sakit ng ngipin sa kending kinatatakman, at saya ng pagtampisaw sa ulan na tila wala nang kinabukasan. Oo nga naman, sa aking kamusmusan, mga kalagayan na di na mababalikan, at mga oras na sa laro lamang inilaan.

Tandang-tanda ko pa, huling taon ko na noon sa elementary, ang hilig maglaro pag oras na ng minindal. Sa di malamang rason, buong araw ay di ako mapakali at naiirita sa katabi. Pagkatapos ng eskwela ay umuwi na sa bahay. Nagbihis ng palda at nagulat sa nakitang mantsa! Ako’y mamamatay na. Anong sakit ito. Sana’y panaginip lamang. Dali-dali akong nagpalit ng salawal at tinapon ang namantsahan. Umiyak ako. Mamamatay na ba talaga ako? Paano ako magpapaalam sa mga kaibigan? Maghahabilin ng sulat? Hindi, maghahandog na lang ng despidida. Pagpasok ko sa kusina, medyo lumundag ang puso ko nang di ko natantong nandoon na pala ang aking ina.“Anung sabi?”(Vice Ganda version) tanong niya. Iyak nang iyak at nanginginig akong umamin. Tumawa lang siya habang ako ay kabang-kaba.Leukemia, hindi, baka sakit sa puso,o sakit na sa bato. Ako ba’y mapaparalisa? Makakalbo? Bigla namang sumilip ang ilaw sa pagbukas ng pinto ng sala. Ang kontrabida kong kapatid andiyan na.”Yucks! Ew! Disgusting! Gross! Nalapsan!” Ganap na dalaga nag bunso ko. Patama ni mama.  Nagtila apoy akong binuhusan ng tubig. “May pasador ka ba?”Hhayst… Sino nga ba ang makakalimot ng J.S. prom. Black dress, killer heels, effortless!(KC version) Inanyaya  ako ni Buknoy na sumayaw. Tanaw ko ang mapupungay niyang mata at nagpapaligsahang pawis sa kalamigan ng gabi. Hindi ko alam ang gagawin kaya hinawakan ko lang ang mga kamay niya at sinabayan ang indak ng Spring Waltz. Hindi ko mawari, hindi namin matingnan ang isa’t-isa. Ang kilig, ang hiya, tila ba kaytagal lumipas ng ilang minuto na kami ay magkasama. Pakiramdam ko ay tinitingnan kami ng lahat, pinag-uusapan, kagagalitan. Kaya pinutol ko ang pagkakataong iyon ng pagsabing, “uhmm, masakit na ang paa ko.” Nang pabalik na ako sa mesa, biglang may pwersang humila sa braso ko at dun, si Fernandito, ang kaklase ko na di masyadong kagwapuhan, kahawig lang naman ni Jericho Rosales…kung talento lang ang pagbabasihan. Sa gabing iyon ay inamin niya ang lihim na pagtingin at sa gabing iyon ay nagsimula ang espesyal naming samahan. Tumagal kami hanggang unang taon sa kolehiyo. Ngunit daho’y naaagnas, larawan ay kumukupas, gaya ng pag-ibig na di lumilipas. Ano ngayon? Hinanda ko na ang sarili ko sa ganitong kahahantungan. May mga kaibigan naman ako, hindi siya kawalan. Lumipas ang mga araw at dumating ang araw ng mga puso. Sana may humawak din sa kamay ko at magbigay ng chocomucho Vanilla flavor. Yung tipong maghahanda ng candlelit dinner sa rooftop. Pinag-aagawan ng  makukulay na series light ang liwanag ng buwan. Windang ang paglutang ng imahinasyon ko nang sa aking paglabas sa San Jose, saksi ng mga kawawa kong mata ang “inakalang-bff-ko-na-sukdulan-sa-kakapalan-ng-mukha” hawak ang bouquet na bigay ng una kong pag-ibig. Ang tamis ng kanilang pagsasamahan ay romang  nakapulupot sa puso kong tanga. Gusto kong tumakbo, tumakbo hanggang sa dulo ng walang hanggan. Gusto kong matulog, matulog sa ugoy ng duyan ni inay. Gusto kong tumakas, gusto kong magising, gusto kong maging amnesia girl!pwede. Ngunit sadyang ganun talaga ang laro ng buhay, langit,lupa, impyerno. Gusto nating lahat nasa langit, pero meron pa ring humihila sa atin pababa. Tagu-taguan kaya para di na ako makita ng kalungkutan? Ah! Habulan na lang ikaw taya! Tanong ko dati, bakit ako? Ayaw sa’kin ng lobo, ako ang taya, sige na ako na lahat. Wala akong gana, nagkalagnat tuloy. Wala si mama, wala si papa. Dumungaw ako sa bintana…kuya ko parating! May dalang almusal. Bakit ko ba pinahihirapan ang sarili ko? Hindi naman ako nag-iisa. Pagkabigo’t alinlangan gumugulo sa isipan. Mga pagsubok lamang yan. Kaya ko yan. Alam ko na. Kinuha ko ang intermediate na papel, lapis, at pangkulay saka iginuhit ang bahay kubo kahit munti ang halaman doon ay sari-sari. Tirik na tirik ang sinag ni Haring Araw sa luntiang palayan.

Tayo lang ang gumuguhit ng ating kapalaran. Huwag natin sayangin ang bukas sa pagdadalamhati , sa halip gamitin ang leksyong iyon pagdating ng panahon. May silbi ang lahat, may rason ang bawat pangyayari. Ang buhay ay gulong ng palad, tumakbo, tumalon, sumigaw, at maglaro.


2 comments:

  1. ako jud balik.balikon ug basa hahahahh!!!

    ReplyDelete
  2. Thanks much Sar! I true to life basis neh xia.aw atik.lol

    ReplyDelete